Thursday, July 5, 2012

pagulan,pighati,pagluha


#### This is a poem I made for the rainy season! Enjoy!

Sa bawat pagpatak ng ulan,
Pagbugso ng hangin
Paglagas ng mga dahon,
Pagkalat ng karimlan,
Habang ang samyo ng hangin
Ay binabalot ng lamig
At ng kalunkutang di maipaliwanag,
Heto ako sa gitna ng ulan…
Nagiisa, nagiisip, umaasa.

Ngunit kahit anong dilim,
At kahit anong lamig
Kahit magisa kong tinatahak
Ang daan sa gitna ng ulan
Ng delubyo kung tawagin ng ilan
Ang dilim at ang lamig ng hangin
Ay perpekto sa king paningin.

Dahil sa gitna ng kahungkagan
At sa bawat pagpatak ng tila butil perlas
O lubid na kaybigat mula sa kalangitan
Samahan pa ng hampas ng hangin
Na itulak ko ma’y di ko maiwasan
Ako’y sasampalin, diwa’y gigisingin
At ang pwersa di ko kayang gupuin
Hanggang sa matakpan nito ang damdaming sinisikil.

Di nga ba sa bawat buhos, hampas, dilim, lamig
Itong aking luha at palahaw ay di na pansin?
Oh anong ganda at aking mga lihim,
Sa gitna ng bagyo, ng hangin, ng ulan,
Kasama nilang nakikimkim?

At sino nga ba ang makakakita,
Sino ba ang makadadama,
Sino ang makadirinig,
Na may isang kaluluwang ligaw tulad ko,
Ang nasasaktan, tumatangis,
Kung ang buhos ng ulan ang kanilang naririnig?
Ano ba ang laban ko sa pwersa na kalikasan?
Ako na isa lamang hamak na nilalang?
Isang tuldok na naligaw dito sa salibutan?

At habang ako’y magisa’t nagmumuni-muni
Di ako takot kahit kulog at kidlat ay nagdudumali
Pagkat sila ang kanlungan ko at kakampi
Tinatago, inaakay, inuunawa ang aking mga hikbi
Inaaring kanila ang aking mga palahaw at pighati
Hanggang sa matapos ag unos, dilim ay mawawala na din,
Mga bakas ng aking luha’y wala man lang nakapansin
Pagkat sinama na sila ng ulan at ng nagkalat na dilim.


No comments:

Post a Comment